Jalosjos tumangging mag-enter ng plea sa kanyang arraignment
"NOT GUILTY" ang ipinasok ng korte matapos tumangging magbigay ng "plea" si Congressman Romeo Jalosjos sa Makati Regional Trial Court kaninang umaga.
Ito'y kaugnay sa kasong "two counts of rape" at 12 counts ng "acts of lasciviousness" na isinampa ng 11-taong gulang na bata laban sa kongresista. Sampung minuto bago magsimula ang arraignment, nilagyan na ng posas ang kongresista at mula sa City Jail ay ibinaba sa korte. Nang simulan na ang proceedings ay tumanggi ang mambabatas na magpasok ng plea.
Iginiit pa rin ng abogado nitong si Alfredo Lazaro, na dapat ipagpaliban ang pagbasa sa kanyang kliyente. Ito ay dahil sa wala pa ring desisyon ang Court of Appeals sa petisyon ng panig ng depensa na mapawalang-bisa ang pag-isyu ng warrant of arrest ni Judge Roberto Diokno. Subali't ang kahilingang ito ay ibinasura ni Judge Diokno. Ang pre-trial ay itinakda ni Judge Diokno sa Marso 12, upang mabigyan ng sapat na panahon ang appellate court na madesisyunan ang petisyon ng mambabatas.
Samantala, pinag-aaralan na ng panig ng prosekusyon ang posibleng pagtestigo nina Melchor Gabais at ng ina nitong si Ofelia, laban kay Jalosjos.
Ayon kay Atty. Katrina Legarda, sinisikap pa nilang maka-usap nang personal ang mag-ina. Malaki ang maitutulong ng kanilang testimonya sapagka't maipapakita nito sa korte ang tunay na katauhan ni Jalosjos.
Ayon naman kay atty. Lazaro, ang biglang pagsulpot ng mag-ina ay isang political gimmick lamang. Sa isang press statement, sinabi naman ng Lawyers League for a Better Philippines, na hindi dapat kaagad na husgahan si Jalosjos. Hiniling ni Atty. Oliver Lozano na suriing mabuti ang salaysay ng biktima kung saan sinabi nito na walang paggahasang naganap.
Zuno mangunguna sa paglilitis kay Jalosjos
MAGIGING lead counsel na ng prosekyusyon sa Jalosjos case si Chief State Prosecutor Jovencito Zuno. Si Zuno rin ang lead counsel sa Vizconde case.
Sinabi naman ni Senior State Prosecutor Paulita Villarante, isa sa mga prosecution counsels, na hihilingin nilang maging closed-door ang hearing na sisimulan sa March 12, alinsunod na rin sa isinasaad sa Anti-Child Abuse Law. Dismayado si Presidential Legal Adviser Rene Cayetano sa pagtatakda ni Judge Roberto Diokno sa Marso a-12, sa pre-trial hearing ng kaso ni Jalosjos. Ayon kay Cayetano, masyado itong matagal.
Samantala, inaasahan pa ring magkikita ano mang oras ngayon si Jalosjos at Melchor Gabais, ang lalaki mula Capiz na umaaakong anak ng kongresista. Hindi nakarating si Gabais sa nakatakda nitong pagtungo sa Makati City Jail kaninang ala-1:00.
Sa Zamboanga City, opisyal na nag-report si Senior Superintendent Acmad Oman bilang Task Force Mindanao Chief. Pinalitan ni Oman si Chief Supt. Manuel Pepino, na kamakailan lamang ay sinibak sa tungkulin dahil sa pag-iisyu ng maling pahayag kaugnay sa totoong kinaroonanan ni congressman Romeo Jalosjos.
Pag-masaker ng 700 unggoy itinuloy na ng DENR
ITINULOY na ang pag-masaker sa may 700 mga unggoy sa Ferlite Farm sa Laguna. Ngunit marahas nilang pinigilan ang mga mamamahayag na kunan ang proseso.
Nagbabad ang mga mediamen para i-cover ang proceso ng euthanasia. Pati buntis, bagong panganak ay papatayin. Walang ititira ayon na rin sa kautusan ng Department of Environment and Natural Resources. Ito umano ay para maiwasan ang pagkalat ng "ebola reston" strain.
Pinayagang pakunan ni DENR Region 4 Director Antonio Principe, ang ilang proceso sa mga mediamen. Nguni't bigla na lamang pinakumpiska ang mga films at tapes. Pinawasak kay CENRO Chief Arnulfo Hernandez, at hindi pa nasiyahan, pinasunog pa ang mga ito. Ito ang isa sa mga footage na pinigil ng DENR na kunan ng media. Isa-isang iniksyunan ng pampatulog ang mga unggoy at kaagad inilalagay sa operating table para kunan ng samples ng internal organs.
Pagkatapos, susunugin sa incinerator. Tinatayang 200 unggoy na ang napapatay. News blackout nguni't may footage ding lumitaw. Pinagbintangan ni Principe ang Ferlite Farm workers ng pakipag-sabwatan sa media upang kunan kung papaano hinuhuli ang mga unggoy. Nagsampa ng kasong kriminal ang mga mediamen sa Calamba Police Station
Sa ngayon, ipinasara ng DENR ang Ferlite Farm. Restricted ang ilang mga taong nakaalam sa proceso. Ipinatigil na rin ang proceso. Kung kailan itutuloy ay si Director Principe lamang ang mag-uutos.
Samantala, susuportahan ng National Press Club ang anumang ligal na aksyon ng ABS-CBN, Philippine Daily Inquirer at Worldwide Television News o WTN, laban kay Antonio Principe. Humingi naman ng paumanhin si DENR Undersecretary Antonio Lavinia. Gayunman, iimbestigahan pa rin ng Malakanyang ang insidente.
Trader ng exotic birds kakasuhan ng DENR
MAGSASAMPA ng kaso sa korte ang Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region, laban kay Ginang Elizabeth Koh, may-ari ng Kohliz Exotic Fauna sa Cartimar, Pasay City. Ni-raid ng mga tauhan ng DENR ang pet shop kahapon.
Nakumpiska ng mga tauhan ng Protected Area and Wildlife Division ng DENR ang 96 na iba't-ibang uri ng "exotic birds". Nagkakahalaga ang mga ito ng humigit kumulang P500,000.
Ayon sa DENR, lumabag si Koh sa Republic Act 2590, o ang Act for the Protection of Game and Fish, at maging ang mga alituntunin sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora. Sinabi ng DENR na isa si Koh sa pinakamalalaking smugglers ng exotic fauna sa Pilipinas.
Pansamantalang inilagak ang mga kumpiskadong ibon sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife, habang inihahanda ang kaso laban kay Ginang Koh. Magsasampa naman ng counter charge si Koh laban sa DENR.
Murder suspect nakonsiyensiya, sumuko
KATOTOHANAN o kababalaghan? Isang suspect sa kaso ng pagpatay ang sumuko sa mga awtoridad dahil ayaw umano itong patahimikin ng kanyang biktima.
Sa sementeryo naganap ang isang kahindik-hindik na krimen. Ang biktima, si Ernesto Legazpi. Halos madurog ang ulo ng biktima matapos bagsakan ng bato ng suspect na si Ronnie Alejo.
Subalit ang suspect ay boluntaryo ding sumuko makaraan ang dalawang linggong pagtatago. Ang dahilan: ayaw siyang patahimikin ng biktima. Bago umano namatay ang biktima, humingi ito ng saklolo sa demonyo. Sa salaysay pa lamang ng suspect, kinikilabutan na siya sa kanyang sarili, lalo na't kapag kanyang naiisip ang krimen na kanyang ginawa sa loob ng sementeryo Nasa himipilan na ng pulisya, takot pa rin ang suspect lalo na't kapag nakikita ang larawan ng biktima.
Ito ang mga ginagamit na panlaban ng suspect kasama ang dasal kapag ginugulo umano siya ng biktima. Ang ipinagtataka ng pulisya ay kung bakit ayaw ng pamilya ng biktimang lumantad.
Aktuwal na sitwasyon ng tigdas pinangambahang pagtakpan
NANGANGAMBA si Senador Juan Flavier na pagtakpan ng Department of Health ang aktuwal na bilang ng mga kaso ng tigdas. Napag-alaman ni Flavier na ayaw nang maglabas ng report ng San Lazaro Hospital tungkol sa lawak ng epekto ng tigdas.
Ayon naman kay Health Secretary Carmencita Reodica, mas mahalaga ang umaksyon kaysa alarmahin ang publiko kung may epidemya o wala.
Samantala, daragdagan ng Western Police District ang mga tauhan nito sa Binondo, Maynila, dahil sa sunud-sunod na pagpatay na nagaganap duon.
Ayon kay Interior and Local Governments Secretary Robert Barbers, bukod sa mga naka-unipormeng pulis, magkakalat din ang Philippine National Police ng mga "undercover" na pulis upang masubaybayan ang mga suspects sa pagpatay sa apat na negosyanteng Tsino. Ayon kay Barbers, mayroon na silang impormasyon na tinatrabaho upang matukoy ang mga suspects sa sunud-sunod na pagpatay.
Maari umanong "negosyo" ang dahilan ng mga patayan sa Binondo. Nilinaw naman ng WPD, na hindi magkaka-ugnay ang apat na insidente ng pagpatay sa Binondo kamakailan. Tinangka namang magpakamatay kagabi ng lalaking nang-"hostage" sa sarili niyang anak noong Lunes sa Makati. Naagapan lang ito ng mga kapwa niya bilanggo sa Makati City Jail habang naglulubid ng mga kumot si Jose Pinanggay, na gagamitin niyang pambigti.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Jejomar Binay, na sa kanyang balwarte ay tinitiyak nilang maliligtas ng buhay ang biktima at hostage taker, hindi anya tulad sa lungsod ng Maynila na ang suspect ay napapatay.
Malawakang protesta laban sa napaagang oil deregulation
MALAWAKANG kilos-protesta ang ilulunsad ng mga militanteng grupo sa a-5 ng Pebrero, para tutulan ang mapapa-agang oil deregulation. Magpipiket ang Freedom from Debt Coalition at Bukluran ng mga Mamamayan Laban sa Deregulasyon o BUKLOD, sa harap ng Malakanyang at Senado. Hihilingin nilang sa taong 2000 na lang ituloy ang deregulasyon.
Ayon kay Bataan Congressman Enrique Garcia, maaaring samantalahin ng Petron, Caltex at Shell, ang pagdi-dikta sa presyo ng langis kung ipatutupad na ngayon ang deregulasyon. Samantala, handang makipagdayalogo ang Malakanyang sa mga lider ng unyon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS, upang maibsan ang kanilang pangamba sa pribatisasyon.
Ayon kay Executive Secretary Ruben Torres, dapat mag-isip-isip ang mga empleyado bago ituloy ang kanilang welga. Aniya, hindi pa naman pinal ang MWSS privatization hangga't hindi ito naa-aprubahan ng Pangulong Ramos. Nguni't iginiit naman ni MWSS deputy administrator for administration Alfredo Tirante, na pinal na ang bidding.
Go Back To News Service Index
1997 General Appropriations Act raratipikahan na
RARATIPIKAHAN na ng Mababang Kapulungan anumang oras ngayon, ang panukalang 1997 national budget. Ito'y matapos magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na kaltasan ng 40 porsiyento ang "insertions" ng mga Senador, at ng 10 porsiyento naman sa "pork barrel" ng mga kongresista.
Dahil dito, posibleng kung hindi sa linggong ito, ay malagdaan na sa susunod na linggo ang budget. Binabaan ng Senado ang kanilang congressional insertions mula P9 bilyon sa P2.9 bilyon. Ayon kay Senador Ernesto Herrera, halos P3.5 bilyon ang kabuuang halagang kinaltas sa budget.
Samantala, patuloy na nagkakawatakwatak ang LDP sa pagsanib ng mga miyembro nito sa Lakas. Pormal nang sumapi sa Lakas si Congressman Hernando Perez, dala ang iba pang LDP members mula sa Batangas. Ayon kay House Speaker Jose de Venecia, dagdag ito sa mga tagasuporta niya sa 1998. Nguni't sinabi ni Executive Secretary Ruben Torres, na ang pagsanib sa Lakas ng Batangas LDP ang magpapalakas sa mga tsansa ni Defense Secretary Renato de Villa para manombrahan ng partido.
Samantala, duda na umano ang mga natitirang miyembro ng LDP sa kakayahan ni Senador Edgardo Angara na ipanalo ang kanilang partido sa 1998.