Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/24/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

San Pedro Police Chief, sinibak sa pagtakas ng lider ng Solido gang
Pagtakas ng lider ng Kuratong Solido gang, pinaiimbestigahan ng Kongreso
Solido gang lider, pumuga
Puwersang relihiyon, nagsanib sa pag-amyenda ng Konstitusyon
Klase, suspindido bukas sa elementarya at high school
Maganto, nanganganib bilang Traffic Director
Suspensiyon kay Santiago, magdudulot ng "Constitutional Crisis"
Petisyong ilipat ng piitan si Jalosjos ,ibinasura
Anim na buwang sanggol, nailigtas ng Bantay Bata 163
Binibining Pilipinas sa Big Dome


San Pedro Police Chief, sinibak sa pagtakas ng lider ng Solido gang

SINIBAK si Chief Inspector Herminio Calderon, Jr., hepe ng San Pedro Police dahil sa pagkakatakas ni Kuratong Solido group lider Joel Arnan at dalawa pang inmates sa San Pedro Jail. Inalis din si SPO2 Melchor Torillo, warden ng municipal jail.

Isang malawakang manhunt ang isinasagawa laban sa tatlong tumakas. Ngunit ayon sa Philippine National Police (PNP),hindi naman masasabing tumakas si Joel Arnan ng Kuratong Solido gang dahil may order of release siya.

Gayunpaman, sinibak pa rin si Chief Inspector Herminio Calderon ng San Pedro, Laguna dahil sa umano'y pagpapabaya nito.Nagsisihan umano ang San Pedro Police at Western Police District (WPD) dahil idinadaan sa dahas ang pagkuha kay Arnan. Ayaw sumama ni Arnan dahil umano sa pangambang salvage.

Nagtataka naman ang Laguna Police kung bakit bigla na lamang dinala ng Traffic Management Group si Arnan sa kanilang custody.Mayroon mang kaso si Arnan ay illegal possession ito at higit sanang mababantayan sa Kampo Crame.

Kung sino man ang masisisi sa pagtakas ng tatlong preso sa San Pedro, Laguna Jail ay aalamin ng investigating committee na binuo ni Col. Calderon.Ngunit nilinaw ni Calderon na walang bribery, walang away ang WPD at San Pedro Police at lalong hindi sila magkakamag-anak. Isa sa mga nakatakas kasama ni Arnan ay isa ring Calderon.

Back to Top


Pagtakas ng lider ng Kuratong Solido gang, pinaiimbestigahan ng Kongreso

SI JOEL Arnan ang susi sa alegasyon na sangkot ang matataas na opisyal ng Philippine National (PNP) sa Kuratong Solido gang. Dahil dito'y palalawakin pa ng Kongreso ang imbestigasyon.

Ayon sa chairman ng Public Order Committee ng Kongreso, kailangan sagutin ni Department of Interior adnd Local Government (DILG) Secretary Barbers at iba pang opisyal ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) ang tungkol sa eskapo ni Arnan.Ibig nilang malaman kung anong koneksyon mayroon si Arnan at madali itong nakatakas kahit na napakaraming bantay nito.

Ayon naman kay Chief Inspector Laurinaria,si Arnan ang susi para mapatunayan ang pagkakasangkot ng mga matataas na opisyal ng PNP sa Solido gang. Naniniwala rin si Laurinaria na may tumulong kay Arnan para tumakas.

Isang araw lamang matapos ang eskapo, dalawang modelong kotse na ang inireport na na-carnap. Ang grupo umano ni Arnan ang gumawa nito.

Samantala, napag-alaman ng ABS-CBN News na isa sa mga baril na nakuha kay Arnan ay galing sa National Bureau of Investigation (NBI). Ito'y may pirma pa ng dating hepe.

Matapos ang "disappearing act" ni Arnan, si "Agent Joy" naman ngayon ang nawawala.Ayon kay Maj. Laurinaria, nagtago na si Joy, ang testigo ng PNP laban sa grupo ni Arnan matapos mabalitaan nitong dinukot ang kanyang ina ng mga hindi pa kilalang suspek.Masama din umano ang loob ni Agent Joy sa PNP dahil sa kawalan ng suporta nito sa kanilang tagumpay.

Back to Top


Solido gang lider, pumuga

NAKATAKAS ang lider ng Kuratong Solido gang noong Sabado ng gabi sa kabila ng pagbabantay ng may 100 miyembro ng elite force ng Western Police District Command (WPDC).

Nakumpirmang si Arnan ay nakatakas nang magsagawa ng headcount ang mga miyembro ng WPD-SWAT nang mapilitan itong pasukin ang selda habang nagsasagawa ng noise barrage ang mga inmates nito sa San Pedro City Jail.

Pinaghihinalaang si Arnan ay tumakas sa isang wasak na kisame sa loob ng selda at lumabas sa Fire Station na karugtong nito. Matatandaang si Arnan ay nasangkot sa salang pagpatay kay Leovino Carandang, isang pulis Maynila, noong 1996.

Ayon sa mga awtoridad, umaga pa lamang ay pinalibutan na nila ang nasabing selda kung saan kasalukuyang namamahinga noon si Arnan. Subalit dahil ito ay suportado ng kanyang mga kakosa, hindi nakuhang ilabas ng selda ang nasabing lider.

Ang sumunod na pagtatangkang ilabas si Arnan ay nabigo pa rin maski na kasama ang isang testigo galing ng Maynila. Bagkus, iginiit ni Arnan na kausapin ng mga awtoridad ang kanyang lawyer.Upang makaiwas sa maaaring gulo sa pagitan ng mga preso at ng mga SWAT members, hinintay ng mga awtoridad ang abogado na ipinatawag ni Arnan na si Godwin Valdez.

Ganunpaman, nagsilbing delaying tactic at decoy lamang ang paghihintay kay Atty. Valdez sapagkat huli na nang malaman ng WPD officers ang pagtakas ni Arnan.Agad-agad na naglunsad ng hot pursuit operations ang mga awtoridad para dakpin si Arnan.

Sa kaugnay na balita, ipinapipigil naman ni Gen.Panfilo Lacson sa Korte Suprema ang implementasyon ng isinabatas na Republic Act 8249.

Ayon kay Atty. Siegfried Fortunsa, abogado ni Lacson, hindi dapat mapunta sa Sandiganbayan ang kaso dahil nauna na itong nagpalabas ng opinyon sa mga maaaring panagutan ng kanyang kliyente.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang Sandiganbayan na ang may hurisdiksyon para dinggin ang murder case laban sa mga akusado sa Kuratong Baleleng rub-out.

Back to Top


Puwersang relihiyon, nagsanib sa pag-amyenda ng Konstitusyon

NAGSANIB na ang puwersa ng simbahang Katoliko, mga Protestante, Iglesia Ni Kristo at Muslim upang tutulan ang planong pag-amyenda sa konstitusyon.

Iginiit ng Iglesia Ni Kristo na anumang pagbabago ng konstitusyon sa panahong ito ay hindi makakabuti sa bansa. Isusulong naman ng mga Protestante ang civil disobedience campaign at ang hindi pagbabayad ng buwis.

Ayon sa Promotion of Church People's Response (PCPR), wala umanong patutunguhan ang planong pag-amyenda ng Saligang Batas kundi ang simula ng pagiging diktador ni Pangulong Ramos. Idinagdag pa nito na ang nasa likod ng kampanyang people's initiative para sa charter changes ay walang iba kundi ang Malacanang.

Ilan sa mga hakbang na gagawin ngayon ngayon ng mga lider-simbahan ay ang signature campaign sa mga taong tutol sa pag-amyenda ng Saligang Batas. Bukod dito, nagpaplano naman ang United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na magsagawa ng civil disobedience campaign tulad ng hindi pagbabayad ng buwis at iba't ibang kilos-protesta.

Samantala, muling nanawagan si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin kay Pangulong Ramos na huwag nitong pabayaang maulit ang Batas Militar sa bansa sa pamamamgitan ng planong pag-amyenda sa Konstitusyon.

Ito ay matapos makipagpulong sa kontrobersyal na Arsobispo ang mga lider-oposisyon upang higit pang mapalakas ang puwersa laban sa anumang charter change.Bukas si Sin sa pakikipagkonsulta sa oposisyon sa anumang malawakang pagkilos na kanilang ilulunsad laban sa pagbabago ng Saligang Batas.

Back to Top


Klase, suspindido bukas sa elementarya at high school

SUSPINDIDO ang mga klase bukas sa elementarya at high school sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay Education Secretary Ricardo Gloria, ito ay upang bigyang pagkakataon ang mga estudyante at mga guro na makilahok sa ika-11 anibersaryo ng Edsa Revolution.

Samantala, ilang bahagi ng Edsa ang isasara bukas para sa pagdiriwang ng ika-11 taong anibersaryo ng Edsa Revolution. Mahigit isang libong "traffic enforcers" ang ipakakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para gabayan ang mga motorista sa mga "alternate routes."

Back to Top


Maganto, nanganganib bilang Traffic Director

NANGHULI kanina si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Traffic Director Romeo Maganto ng mga colorum bus sa gitna ng mga report na isa siya sa mga operators nito.

Ayon sa records ng Department of Transportation and Communications (DOTC), 60 porsyento ng mga inimpound na bus sa Edsa ay pag-aari ng Mersan na pag-aari naman ng pamilya ni General Maganto.

Matapos ma-impound ang ilang units ng Mersan bus dahil sa colorum operations nito, pumuwesto muli si Gen. Maganto sa Edsa para sa kanyang anti-colorum operations.

Inamin ni Gen. Maganto na pag-aari ng kanyang pamilya ang Mersan bus. Ngunit aniya, di dapat sa kanya isisi ang mga paglabag nito dahil di naman niya aniya hawak ang manibela. Sinabi pa ni Maganto na may karapatan ang kanyang pamilya na kumita.

Ipinaiimbestigahan ni Transportation Secretary Lagdameo si Maganto dahil sa kasong ito. Pinag-aaralan din kung nararapat pa siyang manatiling traffic director.

Samantala, inamin na ni Maganto na siya ang "legal adviser" ng Mersan.

Back to Top


Suspensiyon kay Santiago, magdudulot ng "Constitutional Crisis"

NAGBABALA ang mga legal experts na magkakaroon ng "constitutional crisis" kung itutuloy ng Sandiganbayan ang pagsuspinde nito kay Senador Miriam Defensor Santiago.

Sa pagdinig ng Senate Ethics Committee, iginiit ng mga dating hukom at mga batikang abogado na labag sa probisyong Separation of Powers ang direktiba ng Sandiganbayan.

Ilan sa mga sumuporta kay Santiago sina dating Justices Ramon Fernandez, Serafin Cuervas at Father Joaquin Bernas. Tanging si Atty. Ruben Fruto ng Philippine Bar Association ang kumatig sa Sandiganbayan.

Hiniling naman ni Senate President Ernesto Maceda na mag-marathon hearings ang Anti-Graft Court at maglabas ng hatol upang maiwasan ang posibleng krisis.

Samantala, sinimulan na ni Senador Heherson Alvarez ang panunuyo kay Senador Nikki Coseteng. Dalawang dosenang rosas ang ipinadala ngayon ni Alvarez kay Coseteng lakip ang isang kard na humihingi ng paumanhin.

Personal ding nilapitan ni Alvarez si Coseteng bago idaos bukas ang pulong ng Court of Appeals (CA) Committee on Defense. Tinanggap ni Coseteng ang bulaklak nguni't dadalhin umano niya ito sa puntod ng kanyang lola.

Back to Top


Petisyong ilipat ng piitan si Jalosjos ,ibinasura

IBINASURA ni Makati Regional Trial Court (RTC) Judge Roberto Diokno ang petisyong ilipat sa Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) Rehabilitation Center sa Taguig si Congressman Romeo Jalosjos mula sa Makati City Jail.

Kinatigan ni Diokno ang argumento ng prosekusyon na malalagay sa alanganin ang seguridad ng mambabatas kung ililipat pa ito ng piitan.

Kaugnay nito, humingi ng karagdagang tauhan si Inspector Pepe Quinones, ang bagong Makati City Jail Warden para bantayan ang mga bisita ni Jalosjos.

Samantala, posibleng makalaboso na rin si Biņan, Laguna Mayor Bayani Alonte. Ayon kay Chief State Prosecutor Zuno, maaaring igiit na nila ang pagpapalabas ng Warrant of Arrest laban kay Alonte anumang araw sa loob ng linggong ito.

Gayunman, hinihintay pa rin nila ang desisyon ng Korte Suprema sa kanilang petisyon na mailipat sa Maynila, mula sa Laguna ang pagdinig sa kasong rape na isinampa ng isang 16 anyos na dalagita laban kay Alonte.

Back to Top


Anim na buwang sanggol, nailigtas ng Bantay Bata 163

NAILIGTAS ng Bantay Bata 163 ang isang anim na buwang sanggol na ginagamit ng kanyang magulang sa pamamalimos. Matinding kahirapan ang nagtulak sa mag-asawang Fernandez upang isabak sa napaka-abang hanapbuhay ang kanilang anak na si Albert.

Sa gulang na anim na buwan, ginamit ng mag-asawang Fernandez si Albert na instrumento sa kanilang pamamalimos. Mula sa Masbate, lumuwas sa Maynila ang mag-asawa, tangay si Albert at ang kakambal na babae. Normal ang batang babae, ngunit si Albert ay isinilang na walang kamay at paa.

Gaya ng ilang bata sa Metro Manila, ang kapansanan ni Albert ang naging puhunan para kumita ang pamilya. Inilalatag nila sa gilid ng Living Cinema, sa Monumento, Caloocan city si Albert at dagsa ang naglilimos dahil sa kakatwang ayos nito. Ginagamit din sa pamamalimos ang kapatid na babae ni Albert.

May nagmalasakit na ireport ito sa Bantay Bata 163 at ni-rescue si Albert sa mga magulang. Dinala ang bata sa MCU Hospital. Sa pagsusuri ng mga doktor, natuklasan na si Albert ay may pneumonia.

Back to Top


Binibining Pilipinas sa Big Dome

TATLUMPU'T TATLONG dilag ang ipinakilala kanina para sa taunang Binibining Pilipinas beauty pageant search. Ilan sa mga sumali ngayong taon ay beterana na ng mga beauty competitions sa Maynila at kani-kanilang probinsya.

Pipiliin sa mga kandidata ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe, Miss International at Miss World competitions. Ang Coronation Night ay ipapalabas ng ABS-CBN Channel 2 sa ika-2 ng Marso mula sa Araneta Coliseum.

Back to Top

Go Back To News Service Index