Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 02/06/97
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

PAGKAKASANGKOT NG POLICE GENERALS ITINANGGI NG SOLIDO GANG LEADER
NEGOSYANTE KUWENISTIYON ANG KREDIBILIDAN NG POLICE ACCUSER
SINO SI MAJOR LAURENARIA?
SENADOR ROCO BINANTAAN NA PAPATAYIN
TULONG NI MISUARI INAASAHAN SA AGARANG PAGDAKIP SA MGA KILLERS NI DE JESUS
OIL FULL DEREGULATION PINAPATIGIL NG MGA KONGRESISTA
HIJACKING SYNDICATE NABUWAG NG PACC
"WALANG CHILD ABUSE" - SARAH
GOSSIP QUEEN CONVICTED SA SALANG LIBELO


Pagkakasangkot ng police generals itinanggi ng Solido Gang leader

MAGBABAKASYON si Chief Superintendent Reynaldo Wycoco habang isinasagawa ang imbestigasyon sa umano'y pagkakasangkot ng tatlong PNP generals sa "Kuratong Solid Group".

Itinanggi naman ng sinasabing lider ng Solido Gang ang pagkakasangkot ng mga heneral. Isang close-door meeting ang isinagawa ng PNP kina Generals Reynaldo Wycoco, Leandro Mendoza at Hermogenes Ebdane.

Simula pa lamang ng pangangalap ng impormasyon sa pagbubunyag ng sinasabing "Joy", ang umano'y "deep penetration agent" sa Kuratong Solid Group. Pina-i-imbestigahan naman ng Traffic Management Group, ang karapatan ni Chief Inspector Renato Laurenaria ang magsagawa ng operation gayong "floating" ang status nito.

Si Joel Arnan, ang umano'y leader ng Kuratong Solid Group, ay nagsabing Jojo Group ang grupo niya. Aniya, wala siyang alam sa ibinunyag ni agent "Joy" bagama't kilala niya ito bilang pinsan ng kanyang asawa.

Si Joel ay suspect sa Miladay robbery sa Makati nitong 1996. Nguni't isang "Toto Stainless", lider naman ng Waray-Ilonggo group ang itinuturo ni Joel. At ito ang nagbigay sa kanya ng mga narecover na alahas sa kaniyang bahay.

Humingi naman ng 15 araw na leave of absence si Wycoco upang bigyang linaw ang imbestigasyon. Sa kanyang handwritten letter kay PNP Chief Recaredo Sarmiento, pinabulaanan ni Wycoco ang akusasyon. Itinanggi naman ng ibang sinasangkot sa Solido Gang na may kinalaman sila rito.

Samantala, ipatatawag ng Senado si agent "Joy" upang linawin ang kanyang mga akusasyon laban sa mga heneral at pulitikong nagbibigay-proteksiyon sa Solido Gang. Kanina, dumalo sa pagdinig ng Senate Defense Committee si Chief Inspector Renato Laurenaria upang linawin ang kanyang akusasyon.

Isinalaysay niya kung paano lumapit sa kanya si agent "Joy" upang ibulgar ang nalalaman nito tungkol sa mga heneral. Ayon kay Senador Orlando Mercado, kailangang matiyak kung meron ngang malakas na ebidensiya laban sa mga heneral.

Nakatakda namang magsagawa ng kahiwalay na imbestigasyon ang PNP. Ipatatawag dito maging ang mga mediamen na unang kinausap ni agent "Joy" upang hindi maakusahan ang pulisya ng cover-up.

Back to Top


Negosyante kuwenistiyon ang kredibilidan ng police accuser

LUMANTAD ang isang negosyante para kuwestiyunin ang kredibilidad ni Chief Inspector Renato Laurenaria. Aniya, si Laurenaria ay isang "extortionist" na naging dahilan kaya nalagay ito sa floating status.

Hepe ng Task Force "Limbas" si Laurenaria nang masangkot siya sa isang malaking extortion case noong isang taon. Biktima niya umano si Luisito Andres, isang fishpond operator mula sa Malolos, Bulacan.

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, tinuro ni Andres sa TV si Major Laurenaria na siyang humingi ng kalahating milyong piso bilang kapalit ng kanyang paglaya. Ito'y matapos akusahan si Andres na carnap ang gamit niyang L-300 van.

Tumanggi si Andres sa presyo at nakipag-negosasyon. Pumayag naman ang grupo ni Laurenaria sa P100,000 muna. Ngunit ayon kay Laurenaria, si Chief Superintendent Reynaldo Wycoco ang tumulong kay Andres. Ang sumunod ay isang entrapment operation.

Back to Top


Sino si Major Laurenaria?

ANG TRAFCOM officer na nagpasimula ng operasyon laban sa Kuratong Solido Gang ay isang intelligence expert at NPA hunter. Sino nga ba talaga si Major Laurenaria, at paano niya ginamit si agent "Joy" sa operasyon?

Hindi na bago kay Chief Inspector Laurenaria ang paghawak sa mga "deep penetration agents". Mula sa pagiging patrolman, siya'y naging station commander sa limang bayan sa Sorsogon na sa panahong iyon ay puno ng NPA. Dito siya nagsimulang gumamit ng mga assets laban sa NPA. Siya ay naging "Best Police Officer" para sa Region 5 at sa Sorsogon.

Mahigit sa 25 ang mga medals at commendations na kanyang natanggap sa 18 taong serbisyo sa pulisya, hanggang siya ay italaga bilang hepe ng Special Operations Unit ng Trafcom nitong nakaraang taon. Una niyang naka-enkuwentro ang Kuratong noong siya ay hepe pa ng Trafcom sa Kabikulan.

Ayon kay Laurenaria, nakilala niya si agent "Joy" nuong Disyembre, dalawang buwan matapos siyang sibakin bilang SOU Chief. Ang handler ni "Joy" ay isang kapitan na dati nang naka-destino sa Mindanao at sangkot na rin sa paghahabol sa Kuratong Baleleng.

Ang mga nakalap na impormasyon ni agent "Joy" ukol sa pagkakasangkot ng mga heneral at pulitiko ay agad niyang ipinasa kay General Sarmiento. Aniya pumayag itong magbuo ng Task Force Salbabida, na pinangunahan ng grupo ni Laurenaria, bagamat nasibak na sila. Nguni't hindi ito alam ng hepe ng Trafcom.

Ayon kay agent "Joy", matapos ang raid sa Kuratong, pinagbawalan pa sila nito na ibulgar ang pangalan ng mga heneral.

Back to Top


Senador Roco binantaan na papatayin

TUMATANGGAP ng "death threat" sina Senador Raul Roco at Sandiganbayan Justices Francis Garchitorena at Jose Balajadia. Ito'y lumabas sa harap ng patuloy na kontrobersya sa kaso ng Kuratong Baleleng na ngayo'y nakabinbin pa sa Sandiganbayan. Natanggap ito ni Senador Roco noong January 31.

Samantala, noong Sabado pa ito tinanggap nina Sandiganbayan Justices Garchitorena at Balajadia. Nagbanta ang sulat na ang susunod na liham na kanilang tatanggapin ay bomba na.

Si Roco ang isa sa may akda ng batas na nagpapalawig ng kapangyarihan ng Sandiganbayan na nagbigay sa Anti-Graft Court ng jurisdiction muli sa kasong Kuratong Baleleng. Si Balajadia naman ang Chairman ng Second Division na humahawak sa naturang kaso.

Ayon kay Sandiganbayan Presiding Justice Francis Garchitorena, ayaw nang magsalita ni Balajadia. Matapos ang isang full court meeting, sinabi ni Garhitorena na siya na lang ang magsasalita.

Back to Top


Tulong ni Misuari inaasahan sa agarang pagdakip sa mga killers ni De Jesus

NANINIWALA si Pangulong Ramos na malaki ang magagawa ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Nur Misuari, para agad na madakip ang mga pumatay kay Jolo Bishop Benjamin de Jesus.

Subalit kailangan pa anyang kumpirmahin ng mga awtoridad kung talagang ang Abu Sayyaf group ang responsable sa krimen. Lalo namang tumibay ang anggulong ang mga "Hayuddini" na miyembro ng Abu Sayyaf, ang nasa likod ng pagpatay kay Bishop de Jesus.

Hindi pagkukundina sa mga suspek, sa halip, pinagdarasal pa nga ito ng mga pari sa mga misa para sa obispo. Patuloy ring pina-aalalahanan ng Simbahang Katoliko ang mga Kristiyano sa Jolo na maging mapagpatawad. Iba naman ang posisyon ng puwersa ng pamahalaan. Guardiyado-sarado ang bishop's palace sa ngayon.

Ayon kay Vicariate Chancellor Fr. Alfredo Epiz, hindi kaligtasan nila ang kanilang ina-alala sa ngayon. Sa halip, ang seguridad ng bawat mamamayan sa Jolo dahil sa lumalalang kriminalidad dito.

Samantala, dalawang testigo sa krimen ang humarap sa mga imbestigador. Ngunit naki-usap ang dalawa na huwag silang ilantad, para na rin sa kanila at sa seguridad ng kanilang pamilya.

Sa kanilang testimonya, tumibay ang anggulong mga "Hayuddini" ang siyang nagpapatay kay Bishop de Jesus.

Ayon sa mga Joloano, kilabot ang mga Hayuddini dahil sa mga pagkakasangkot nito sa ilang krimen. Nangako namang magpasa-ilalim sa paraffin test ang mga Hayuddini.

Ngunit ayon sa mga imbestigador, negative man, hindi nangangahulugan na wala silang nalalaman. Naniniwala rin ang mga pulis na maaring makalabas na ng Jolo ang mga suspect.

Inihayag ni Jolo Mayor Hadji Soud Tan na walang koneksyon sa Sulu Consumers Cooperative ang pagpatay kay Bishop de Jesus. Nilinaw ni Tan na hindi miyembro ng Board of Directors ng nasabing kooperatiba si Bishop de Jesus. Reaksyon ito ni Tan sa report na posibleng naghiganti ang mga Hayudini sa obispo matapos mahuling nagnakaw sa kooperatiba.

Back to Top


Oil full deregulation pinapatigil ng mga kongresista

PINAPIPIGIL ng isang grupo ng mga kongresista ang ganap na deregulasyon ng langis simula sa Sabado, Pebrero 8.

Ayon kina Congressman Edcel Lagman, iligal ang probisyon sa oil deregulation na umano'y nagbibigay ng malawak na kapangyarihan sa Pangulo at Energy Secretary. Dahil din umano sa probisyon ay puwedeng lumikha ng kartel ang mga kompanya ng langis. Tutol naman ang Senado na ipagpaliban pa ang deregulasyon.

Samantala, naglabas ngayon ng hold departure order ang Bureau of Immigration laban sa 14 katao na umano'y sangkot sa Amari Coastal Bay land deal scam.

Hiniling ni Senate President Ernesto Maceda na huwag paalisin sa bansa ang mga Amari executives na sina David Go, Emmanuel Sy at Chin San Cordova. Kasama din dito sina Public Estate Authority General Manager Wainright Rivera at PEA Project Director Justiniano Montano IV.

Sa iba pang balita, ipinaaaresto na ng Sandiganbayan si UP Chancellor Roger Posadas at tatlong iba pang opisyal ng University of the Philippines dahil sa kasong obstruction of justice.

Hinarang umano ng mga opisyal na ito ang warrantless arrest ng NBI sa dalawang suspect sa Dennis Venturina killing na sina Francis Carlo Taparan at Raymundo Narag. Nakulong ang dalawang suspek sa UP detention nguni't pinawalan umano ng UP officials hanggang sa magtago.

Back to Top


Hijacking syndicate nabuwag ng PACC

MULING NAGPAKITANG gilas ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) matapos ang ilang buwang pananahimik. Kahapon nailigtas nila ang isang kidnap victim. At kaninang umaga, isa namang safehouse ng mga hijackers sa Bulacan ang kanilang sinalakay.

Mahigit isang oras pinostehan ng mga tauhan ng PACC Task Force Habagat ang labas ng warehouse na ito. Kaugnay ito ng impormasyong safehouse ito ng mga hijackers.

Pinasok ang loob ng compound subalit walang resistance sa mga taong nasa loob hanggang sa isilbi ang search warrant. Sa pinaka-loob ng warehouse ay natagpuan ang mga kahong ito na kabilang sa mga hinayjack. Kahon-kahong TV frames ang na-recover samantalang i-ilang piraso na lamang ng mga aluminum sheets ang natagpuan. Milyong piso ang halaga ng mga items na hinayjack.

Ayon sa PACC, isang nagngangalang Jonathan Gonzales ang lider ng sindikato at isa namang Albert So ang tumatayong financier. Malawak umano ang kuneksiyon ng sindikato. Dalawa lamang sa mga miyembro ng sindikato ang naaresto. Pinaghahanap pa rin ang mga utak.

Back to Top


"Walang child abuse" - Sarah

HINILING ngayon ni Sarah Jane Salazar sa Justice Department na i-urong na ang demanda laban sa kanya. Ayon kay Sarah, walang "child abuse" na naganap sapagkat tunay na pag-ibig ang namagitan sa kanila ni Ritchie Atizado.

Sabay na dumulog sa ABS-CBN News sina Sarah at Cheche upang ibigay ang kanilang panig. Kahapon ay sinampahan ng Justice Department ng apat na kasong "child abuse" si Sarah. Siya ay nahaharap sa 64 na taong pagkabilanggo, bunga ng pagpatol niya sa lalaking 16 na taon lamang ang edad.

Para kay Cheche mas mabuti pang magkahiwalay na lang sila ni Sarah, kesa makulong ito. Subalit nag-aalala naman siya sa kondisyon ni Sarah.

Isang kasulatan ang pinirmahan ni Cheche na nagsasabing hindi siya kailanman pinilit o inakit ni Sarah. Siya ay kusang sumama dito dahil sa sila'y nagmamahalan. Ito ay isinumite nila sa DOJ kasama ng paliwanag ni Sarah.

Back to Top


Gossip queen convicted sa salang libelo

MALUWAG na tinanggap ni Cristy Fermin ang hatol kanina ng korte na pagbayarin siya ng mahigit P1 milyon kay Annabelle Rama. Ito'y kaugnay ng libel case na isinampa ni Annabelle kay Cristy noong 1995.

Bukod sa tatlong buwan hanggang isa't kalahating taong pagkakakulong, pinagbabayad din ni Judge Serafino Lacqui si Cristy at ang kanyang writer na si Bogs Tugas, ng P1.05 million kay Annabelle at Eddie Gutierrez.

Matatandaang naiulat sa magasin ni Cristy na di makakabalik ang mga Gutierrez sa Amerika dahil may nadispalko silang pera duon.

Ayon kay Annabelle, ang hatol ay malinaw na mensahe sa mga manunulat na dapat na maging maingat sila sa kanilang trabaho.

Sabi naman ni Cristy, negatibo ito sa kalayaan ng pamamahayag. Mag-aapela si Cristy, at umaasa siyang ire-reverse ng mas mataas na korte ang kanyang conviction, gaya ng nangyari sa yumaong manunulat na si Louie Beltran.

Back to Top

Go Back To News Service Index